Related Reading
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Pagkabuwal na Hindi Tiyak ang Sanhi

Nabuwal ka ngayong araw. Ngunit hindi pa nalalaman ang sanhi ng iyong pagkabuwal. Maaaring mangyari ang mga pagkabuwal dahil sa pagkadulas, pagkatisod, o pagkawala ng iyong balanse. Maaari ding mangyari ang pagkabuwal mula sa pagkawala ng malay o kombulsiyon.

Maaaring mangyari ang pagkabuwal dahil sa isang simpleng dahilan (gaya ng pagkatisod sa isang bagay). Ngunit ang mga pagkabuwal ng mas matatandang adulto ay kadalasang sanhi ng kombinasyon ng mga bagay-bagay:

  • Paghina ng paggana na may kaugnayan sa edad na may lumulubhang balanse, katatagan, paningin, at lakas ng kalamnan

  • Hindi gumaling-galing na sakit, gaya ng abnormal na pagtibok ng puso, sakit sa balbula ng puso, sakit sa puso, COPD, diyabetis, mga stroke, o arthritis

  • Mga sapatos na hindi nagbibigay sa iyo ng sapat na suporta at ginagawa kang malamang na madulas

  • Anemia o mababang presyon ng dugo 

  • Mga epekto o masasamang epekto ng mga gamot

  • Pagkawala ng tubig sa katawan (dehydration) o kamakailang pag-inom ng alak

  • Mga panganib sa iyong bahay o sa iyong paligid, gaya ng hindi patag o madulas na lupa, isang hindi pamilyar na lugar, mga balakid, hindi pantay na ibabaw, o madudulas na lupa

  • Isang bagay na nauugnay sa isang gawaing iyong ginagawa, gaya ng pagmamadali papunta sa banyo

Hindi pa nalalaman ang sanhi ng iyong pagkabuwal ngayong araw. Kaya posible na ang pagkawala ng malay o kombulsiyon ang dahilan. Nangangahulugan ito na maaari itong mangyari muli, nang walang babala. Kung nabuwal kang muli nang walang dahilan, bumalik kaagad sa pasilidad na ito para sa mga karagdagang pagsusuri. O mag-follow-up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan gaya ng ipinaliliwanag sa ibaba.

Normal na makaramdam ng kirot at paninikip sa iyong mga kalamnan at bumalik sa susunod na raw, at hindi lang sa mga kalamnan na una mong napinsala. Magkakaugnay ang lahat ng bahagi ng iyong katawan. Kaya habang sa simula ay masakit ang isang bahagi, sa susunod na araw ay isa namang bahagi ang maaaring sumakit. Gayundin, kapag napinsala mo ang iyong sarili, nagiging sanhi ito ng pamamaga. Ginagawa nitong masikip at mas masakit ang iyong mga kalamnan. Pagkatapos niyon, dapat itong unti-unting gumaling sa loob ng ilang araw. Sabihin sa iyong tagapangalaga kung mayroon kang anumang matinding kirot.

Kahit walang tiyak na pinsala sa ulo, maaari ka pa ring magkaroon ng pagkaalog ng utak. Maaari pa ring mangyari ang mga pagkaalog ng utak at maging pagdurugo, lalo na kung nagkaroon ka ng kamakailang pinsala. O kung umiinom ka ng gamot na pampalabnaw ng dugo. Maaari ka ring magkaroon ng banayad na sakit ng ulo. At maaari kang makaramdam ng pagkapagod at maging pagduduwal o pagkahilo.

Pangangalaga sa tahanan

  • Magpahinga ngayon at manumbalik sa iyong normal na aktibidad sa sandaling bumalik na sa normal ang iyong pakiramdam. Pinakamahusay na magkaroon ng kasama. Matitingnan ka niya sa susunod na 24 na oras upang bantayan kung mauulit ang pagkabuwal.

  • Kung nasaktan ka sa pagkabuwal, sundin ang payo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan sa pangangalaga sa iyo para sa iyong pinsala.

  • Kung ikaw ay nahihilo, humiga kaagad. O maupo at yumuko na nakababa ang iyong ulo.

  • Para sa iyong kaligtasan, hanggang magpatingin sa tagapangalaga ng iyong kalusugan:

    • Huwag magmaneho ng sasakyan o magpatakbo ng mapanganib na kagamitan

    • Huwag maligo o mag-shower nang mag-isa

    • Huwag maglangoy nang mag-isa

    Dapat alisin ang kondisyon na nagiging dahilan ng pagkahilo o mga kombulsiyon bago gawin ang mga aktibidad na ito.

  • Maaari kang gumamit ng acetaminophen o ibuprofen upang makontrol ang pananakit, malibang inireseta ang ibang gamot. Makipag-usap sa iyong doktor bago gamitin ang mga gamot na ito kung ikaw ay:

    • Matagal nang may sakit sa atay o bato

    • Nagkaroon na ng ulser o pagdurugo sa tiyan

  • Gawin ang iyong mga appointment para sa anumang karagdagang pagsusuri na maaaring iniiskedyul para sa iyo.

Follow-up na pangangalaga

Mag-follow up sa tagapangalaga ng iyong kalusugan, o ayon sa ipinayo. Kung ginawa ang mga X-ray o CT scan, sasabihan ka kung may pagbabago sa pagbasa, lalo na kung nakakaapekto ito sa paggamot.

Tumawag sa 911

Tumawag sa 911 kung nangyari ang alinman sa mga ito:

  • Hirap sa paghinga

  • Pagkatuliro

  • Hirap magising

  • Pagkahimatay o pagkawala ng ulirat

  • Mabilis o napakahinang pintig ng puso

  • Kumbulsyon

  • Problema sa pagsasalita o paningin

  • Panghihina ng braso o binti

  • Hirap maglakad o magsalita, pagkawala ng balanse, pagkamanhid o panghihina sa isang gilid ng iyong katawan, paglaylay ng mukha

Kailan dapat humingi ng medikal na payo

Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung alinman sa mga ito ang mangyari:

  • Isa pang hindi maipaliwanag na pagkabuwal

  • Pagkahilo

  • Malalang pananakit ng ulo

  • Pagduduwal at pagsusuka

  • Dugo sa suka o dumi (kulay itim o pula)

Online Medical Reviewer: Diane Horowitz MD
Online Medical Reviewer: Paula Goode RN BSN MSN
Online Medical Reviewer: Raymond Kent Turley BSN MSN RN
Date Last Reviewed: 7/1/2020
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer